related material pages

 


Ang Bayad
(Kuwentong Bayan)

Back

Next (post-reading 1)

Ang Bayad Glossary

 

Main Page

Email us

 

May isang magsasakang ang pangalan ay Kardo. Nang dumaan sa bahay ng mayamang si Tandang Panyong, naamoy niya ang masasarap na ulam.

"Naku, pinipritong manok yata iyon a," sabi niya at tumulo ang kanyang laway.

Nagbuntonghininga si Kardo pagdating sa bahay. "Ay, amoy na amoy ang masarap na ulam ni Don Panyong! Sumasarap ang kanin pag nakakaamoy ako ng masarap na ulam!"

"E, bakit hindi mo dalhin ang pagkain mo doon sa tabi ng kusina ni Tandang Panyong at doon ka kumain?"

Nagbibiro lamang si Aring, pero tinotoo ni Kardo ang payo ng kanyang asawa. Pagkaluto ng kanin, sumandok si Aring ng isang pinggan. Dinala ito ni Kardo sa tabi ng kusina ng mayamang kapitbahay nila.

Nang umuwi si Kardo sa kanila, halos sumasayaw siya sa tuwa.

"Ang sarap ng aking ulam, Aring!" ang sabi niya. "Pritong manok at adobo at ginatan pa! Naku, sumama ka sana sa akin."

Tumawa na lamang si Aring. "Kung ganyan palang masarap ang amoy ng ulam, bakit hindi mo ilipat ang bahay natin doon sa may kusina ni Tandang Panyong? Maliit lang naman ang atin bahay at madaling ilipat."

"Bukas na bukas, ililipat natin ang ating bahay."

Sa madaling sabi, nailipat ang bahay nina Kardo at Aring.

Araw-araw, masarap ang pagkain ng mag-asawa dahil isinasabay nila ang pagkain kay Tandang Panyong. Kung minsan, nagluluto pa lamang ang kusinera ni Tandang Panyong, kumakain na sila pag masarap ang amoy ng nilulutong ulam.

Makalipas ang ilang buwan, tumaba ang mag-asawang Kardo at Aring.

Isang araw, naitanong ni Tandang Panyong sa kanila: "Bakit kayo nagtatabaan kahit hindi masasarap ang inyong kinakain?"

"Nagkakamali kayo," sagot ni Kardo. "Laging masarap ang aming pagkain. Kung masarap ang ulam ninyo, masarap din ang sa amin."

Kinamot ng matanda ang kanyang ulo. "Paano iyan?’

"Alam po ninyo, kung kayo ay kumakain, sumasabay kami upang maamoy namin ang inyong ulam. Kahit wala kaming ulam kundi asin o bagoong lamang, parang masarap na rin ang aming pagkain."

"Kayo pala ang umuubos ng sarap ng aking pagkain," ang sabi ng matanda. "Ngayon, alam ko na kung bakit hindi ako tumaba. Bayaran ninyo ang inyong ninakaw!"

"Ano po ang aming ninakaw," tanong ni Aring. "Ni hindi po kami umaakyat sa bahay ninyo?"

"Ninakaw ninyo ang sarap ng aking pagkain. Dapat kayong magbayad ng sandaang piso. Magbabayad ba kayo o hindi?"

Nag-isip si Kardo. "Magbabayad po," sagot niya. "Bigyan lamang ninyo kami ng isang oras para makautang kami ng pera."

Humiram si Kardo ng isang pisong pilak at bumalik sa bahay ni Tandang Panyong.

Umupo si Kardo at inilabas niya ang pisong pilak. Inilagpak ito sa mesa. Kumalansing. Pinulot niya ang piso at inilagpak uli sa mesa. Paulit-ulit niya itong ginawa.

"Bago po ako magbayad, may ibig akong malaman," sabi ni Kardo sa matanda.

"Papayagan ba ninyo kaming tumira sa may kusina ninyo kapag nakabayad na ako?"

"Papayagan ko kayo," sagot ng matanda.

"At hindi na po kami magbabayad uli?"

"Hindi na kayo magbabayad uli," pangako ng matandang mayaman.

Pinulot ni Kardo ang pisong pilak at inilagpak sa mesa. Kumalansing ito.

"At hindi ninyo paaalisin ang bahay namin?"  

Kumalansing uli ang pilak.

"Kailanman ay hindi ko na kayo paaalisin," ang sagot.

Kumalansing na naman ang pisong inilagpak ni Kardo sa mesa.

"Ang pisong ito ay tunay na pilak, hindi po ba?"

"Oo, tunay na pilak."

"Ang kalansing ay kalansing ng pilak, hindi po ba? Pakinggan po ninyong mabuti."

"Oo, kalansing ng pilak," sagot ng matanda. "Pero nasaan ang bayad mo? Kailangan ko ang sadaang piso ngayon din!"

Pinulot na naman ni Kardo ang pisong pilak at inilagpak uli sa mesa.

"Ilang beses na po bang inilagpak ang piso sa mesa? May isang daang beses na kaya?"

"Mahigit nang isang daang beses," sagot ni Tandang Panyong.

"Siyanga po ba?" ang sabi ni Kardo, at isinauli niya ang piso sa kanyang bulsa. "Paalam na po."

"At ang bayad?" tanong ng matanda.

"Aba, nakabayad na po ako, a," ang sagot naman ni Kardo.

"Ano, nakabayad ka na?" 

"Opo, nakabayad na ako."

Nanaog na si Kardo. Sumigaw ang matandang mayaman. "Hoy, saan naroon ang bayad mo?"

Tumawa si Kardo.

"Kami pong mag-asawa," paliwanag niya, "ay kumakain ng amoy ng inyong pagkain. Ngayon, binayaran ko po naman kayo ng kalansing ng aking piso. Nakabayad na po ako. Magandang hapon po sa inyo."

At, umuwi ng bahay si Kardo.